by Michael Charleston “Xiao” B. Chua
Kung ikaw ay pamangkin o apo ng itinuturing ng marami na pinakadakilang Pilipino, ano kaya ang laman ng iyong aklatan?
Isang eksibit ang ipapamalas sa unang palapag ng Aklatang DLSU Maynila sa buong buwan ng Hunyo 2011, ang buwan ng ika-150 taong kaarawan ng ating pambansang bayani na si Gat Dr. José Rizal, na pinamagatang “My Rizal at My La Salle.” Ang eksibit na handog ng Aklatan ng Pamantasang De La Salle Maynila sa pakikipagtulungan ng DLSU Departamento ng Kasaysayan, at ng inisyatibang MY RIZAL 150 ay katatampukan ng kayamanang Rizaliana sa Koleksyong Lopez-Rizal Bantug na nasa mismong Aklatang DLSU Maynila at ng mga mas bagong aklat ukol kay Rizal na nasa nasabi ring aklatan. Pinili at nilagyan ng anotasyon ng inyong lingkod upang mas lalong maipakita sa mga Lasalyano at sa madla ang halaga ng mga aklat na nasa mismo nilang aklatan.
Ang mga aklat ay pag-aari ng kolektor na si Antonio Bantug at ng kanyang kabiyak na si Asuncion Lopez Bantug, na anak ni Dr. Leoncio Lopez-Rizal na pamangkin naman ng ating Pambansang Bayani na si Gat Dr. José Rizal. Isinulat niya ang Lolo José: An Intimate Portrait of Rizal sa perspektiba ng isang kapamilya. Inilagak nila sa Filipiniana Section ng Aklatang DLSU Maynila ang kanilang mayamang koleksyon kabilang ang mga aklat ng kanyang ama. Samakatuwid, naglalaman ito ng hindi iilang mahalagang Rizaliana. Ito ang mga anotasyon na nagpapakita ng mga aspekto ni Pepe at sasalamin din sa kasaysayan ng pagsulat tungkol kay Rizal:
Si Pepe mismo: Isang busto na espesyal na nilikha ng isang batikang manlililok at estudyanteng tagasunod ng Pambansang Alagad ng Sining Guillermo Tolentino na si Anastacio Caedo upang gunitain ang ika-100 taong kapanganakan ni Rizal noong 1961, 50 taon na ang nakalilipas.
Si Pepe, ang artista, ang siyentipiko’t mediko: Ang replika ng isang obra ng iskultor na si Rizal na Triumph of Science Over Death na nagpapakita ng bisa ng agham at medisina sa pagpapahaba ng buhay ng isang tao. Nagkaroon ng malaking kopya nito ang kampus ng Unibersidad ng Pilipinas Maynila, kung saan naroon ang Kolehiyo ng Medisina, sa Daang Pedro Gil.
Si Pepe, matiyaga: Facsimile ng dalawang malalaking manuskrito ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Rizal, ang dalawang akda na dumulog sa mga Espanyol sa kanilang wika ng mga kanser na panlipunan sa Pilipinas na idinulot ng kolonyalismo. Ang Noli Me Tangere ay hindi lamang salita mula sa ating Panginoon kundi isang uri ng kanser na kapag tinangkang gamutin ay lalong lalala. Sa unang nobela, maganda ang kanyang sulat na tila sulat ng isang babae habang sa ikalawang nobela, na isinulat niya habang maysakit, may depresyon at walang pera, matatalim ang sulat at bayolente ang mga pagbura. Sa panahon na wala pang “copy and paste” sa Microsoft Word, makikita ang sakripisyo ni Rizal upang sulatin lamang ang nobela na ayon sa Penguin Classics ay “the first major artistic manifestation of Asian resistance to European colonialism” na siguradong ikinanganib ng kanyang buhay.
Si Pepe, maloko: Noong bata pa si Pepe, nalantsi niya ang kanyang ama na ibili siya ng 10-tomong Historia Universal ni Cesaré Cantu sa pasubaling kailangan niya ito sa kanyang pag-aaral. May matatagpuang set nito sa Koleksyong Bantug. Ito kaya ang kopyang mismong ipinabili ni Pepe? Maaaring oo, maaaring hindi.
Si Pepe, masipag: Nang ipunin ng José Rizal National Centennial Commission (JRNCC) ang lahat ng isinulat ni Rizal para sa sentenaryo ng kanyang kapanganakan 50 taon na ang nakalilipas, umabot ito ng 24 tomo! Ang seryeng Escritos de José Rizal ay nahahati sa mga gunita; mga sulat sa pamilya, kay Prop. Ferdinand Blumentritt, mga Propagandista (Tagapagpalaganap) at iba pa; mga prosa (tuluyan) at tula; mga nobela at aklat; mga sulating pulitikal at historikal; at iba pang mga sulatin. Naisalin ito sa wikang Ingles ng unang babaeng Ph.D. sa Pilipinas, ang historyador na si Encarnacion Alzona, at sa wikang Filipino. Ilan sa mga tomo ay naisalin sa iba’t ibang wika sa Pilipinas.
Si Pepe, nobelista: Mga offset, o eksaktong kopya ng mga unang edisyon ng tatlong aklat ni José Rizal, ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na unang lumabas sa Berlin, Alemanya (1887) at Ghent, Belgium (1891) kapwa, at ang kanyang mga anotasyon ng Sucesos de las Islas Filipinas ni Don Antonio de Morga na nagpapakita ng kanyang tatluhang pananaw sa kasaysayan (nagpapakita na mayroon tayong kultura bago dumating ang mga Espanyol). Muli silang inilathala ng JRNCC na sa kalauna’y magiging National Heroes Commission, National Historical Commission, National Historical Institute at noong 2010 naging National Historical Commission of the Philippines.
Si Pepe, isinalin: Sa kalauna’y magkakaroon ng mga salin ang mga nobela ni José Rizal sa iba’t ibang wika sa loob at labas ng Pilipinas. At magkakaroon din ng mga unexpurgated (walang bawas) at expurgated (may bawas) na mga salin. Sa Koleksyong Bantug, ang walang bawas na salin sa Ingles ni Jorge Bocobo at ang laganap na pinadaling salin sa Filipino ni Maria Odulio de Guzman (na pirmado pa ng tagapagsalin) ay matatagpuan. Rekomendado ring basahin ang mga makabagong salin ni Soledad Locsin sa Ingles at Virgilio Almario sa Filipino. Magkakaroon din ng mga salin ang hindi natapos na nobela ni Rizal na Makamisa (Etikang Tagalog) mula kina Ambeth Ocampo sa Ingles at Nilo Ocampo sa Filipino.
Si Pepe, may kaaway: Ang unang biograpiya na lumabas ukol sa ating pambansang bayani—ang Vida y Escritos del Dr. José Rizal (Life and Writings of Dr. José Rizal)—ay isinulat ng kanyang dating kaaway sa Espanya na si Wenceslao Emilio Retana na hindi naglaon ay naging fan na rin niya. Kasama rin ang ilan pang biograpiya na sinundan si Retana: Ang Man of the Century ni Pedro Gagelonia at The Great Malayan ni Carlos Quirino na bagama’t nagtamo lamang ng honorable mention sa Commonwealth Biography Contest ay pinaboran naman ng Pang. Manuel Quezon, kaya ibinigay sa kanya ang premyong katumbas ng sa unang gantimpala, Php 3,000. Isa sa rekomendadong biograpiya ni Rizal ay ang Rizal: Philippine Nationalist and Martyr ng Briton na si Austin Coates na isinalin sa Filipino ni Nilo Ocampo.
Si Pepe, ang dangal ng lahing Malayo: Ang nagwagi ng unang gantimpala sa Commonwealth Biography Contest ay si Don Rafael Palma, pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas, sa kanyang Biografia de Rizal. Isinalin ito ng mahistrado ng Korte Suprema na si Roman Ozaeta sa Ingles bilang The Pride of the Malay Race.
Si Pepe, dokumentado: Bago pa ang Escritos de José Rizal noong dekada 1960, inipon na ng historyador na si Teodoro Kalaw ang mga sulat ni Rizal sa 6-tomong Epistolario Rizalino. Naglabas din ang Bureau of Public Libraries ng kanilang kalipunan ng iba’t ibang Rizaliana sa Documentos Rizalinos. Isa sa pinakamagandang kalipunan ng primaryang batis ukol kay Rizal ay ang One Hundred Letters of José Rizal to his Parents, Brothers, Sisters and Relatives (1959) na hindi lamang nagtataglay ng mga salin kundi ng facsimile ng mga orihinal na manuskrito ng mga sulat ni Rizal. Ang aklat naman ni José Alejandrino na La Senda del Sacrificio (The Price of Freedom, 1933/1949) ay nagkukwento ng isang verbal na pahayag sa kanya ng best friend niya na si Rizal na nagsasabing mas pinapaboran niya ang mga katangian ni Elias kaysa sa makasariling si Crisostomo Ibarra/Simoun sa kanyang mga nobela. Kasama din sa Koleksyong Bantug ang dalawa sa maraming espesyal na edisyon ng Historical Bulletin ng Philippine Historical Association na may kinalaman kay Rizal: Rizal In Retrospect at Special Rizal Issue.
Si Pepe, kurso sa eskwela: Matapos ang matinding di-pagsang-ayon ng Simbahang Katoliko na natakot na baka mawala ang pananampalataya ng mga bata sa pagbasa ng nobela ni Rizal, noong 1956 nagtagumpay sina Sen. Claro Mayo Recto at Sen. José P. Laurel na gawing batas ang R.A. 1425 na nagtatakda na ituro ang buhay at mga isinulat ni Rizal sa lahat ng kolehiyo sa Pilipinas upang itanim ang nasyunalismo sa bawat estudyante (sa DLSU, ito ay tinatawag na KasPil 1, sa UP naman ay Philipiine Institutions 100 o PI 100). Bilang pagtugon sa batas, naglabas sina Diosdado Capino at Virgilia Buenaflor ng klasikong serye na Stories of José Rizal na may mga kopya pang orihinal na typescript sa Koleksyong Bantug na nagpapakita nang pagkonsulta ng mga manunulat ukol kay Rizal sa pamangkin ng pambansang bayani. At siyempre nariyan ang palagiang sinasangguni na José Rizal: Life, Works and Writings ni Gregorio F. Zaide.
Si Pepe, ang unang pilipino: Noon, ang “Filipino” ay tumutukoy sa mga insulares, mga Espanyol na ipinanganak sa Pilipinas, hanggang gamitin ito ni José Rizal at ng mga kapanalig sa propaganda bilang katawagan sa kanilang sarili bilang mga “indios bravos.” Ito ang mensahe ng The First Filipino, ang manuskrito na isinulat ng isang nagngangalang “Aries” at ipinasok sa biography contest ng José Rizal National Centennial Commission noong 1961. At dahil si Leoncio Lopez ay bahagi ng komisyon, baka ng hurado pa, may mga kopya ng mga manuskrito na nasa Koleksyong Bantug. May dalawang tomong typescript nito na siyang nanalo ng unang gantimpala at isinulat pala ng diplomat na si León Ma. Guerrero na ngayon ay isa sa mga pinakapopular na biograpiya ng pambansang bayani dahil nagpapakita ito ng “Human Rizal.”
Si Pepe, si Lolo José: Isang apong pamangkin ni Rizal ang sumali sa Commonwealth Biography Contest at nagwagi pa bilang honorable mention kasama ni Carlos Quirino. Dahil nanliit siya sa kanyang akda itinago niya ito nang matagal hanggang magtanong na ang kanyang mga anak ukol sa kanyang sikat na lolo. Kaya inilathala ni Asunción Lopez-Rizal Bantug ang kanyang Lolo José: An Intimate Portrait of Rizal na hitik sa mga kwento ng pamilya mismo na bumubuhay kay Rizal sa bawat pahina nito. Unang inilathala ng Intramuros Administration noong 1982, ito ay muling inilabas ng Tahanan Books for Young Readers noong 1997 bilang Indio Bravo kasama si Sylvia Mendez Ventura, bilang CD-rom, at sa huli, noong 2008 ng Vibal Foundation.
Si Pepe, kontrobersyal: Nagbalik-loob ba si Rizal sa Simbahang Katoliko o hindi? Ilang aklat ang nagsuri ng mga argumento. Isa na ang Rizal Beyond the Grave ni Ricardo R. Pascual. Itinanong naman ito ng kapatid na si Trining sa kaluluwa ni Rizal na sumapi diumano sa isang espiritista at sinabing hindi. Matatagpuan ang kwento na ito sa Si Rizal ni Guillermo Tolentino. Kabilang sa mga “Rare Rizaliana” sa koleksyon ang ilan pang mga hindi gaanong kilalang mga sulatin ni Rizal na inipon ni Juan Collas sa Rizal’s Unread Legacy. Sa kabila ng mga katanungan, pagdududa at kontrobersiya sa pagkabayani ni Rizal, sa kanyang ika-150 taong kaarawan, hindi pa rin siya kumukupas, walang magagawa ang mga ito dahil pinatunayan naman niya sa buong buhay niya na matatag ang kanyang mga prinsipyo para sa bayan.
Si Pepe sa ika-21 dantaon: 150 taon matapos siyang ipanganak, ang industriya ng paglalathala ng bagong karunungan at interpretasyon ukol kay Rizal ay hindi pa rin natatapos, tanda ng patuloy niyang “saysay” sa bansa at sa mga Pilipino sa kabila ng paratang na bayani lamang siya ng mga elit. Ilan lamang sa mga awtor ng mga aklat na ito na matatagpuan sa Aklatang DLSU Maynila ay sina Ambeth R. Ocampo (Rizal Without the Overcoat, Makamisa: The Search for Rizal’s Third Novel); Nilo S. Ocampo (Istilo Ko: Rizal Romantik, May Gaua na Caming Natapus Dini: Si Rizal at ang Wikang Tagalog, Kristong Pilipino: Pananampalataya kay José Rizal); Virgilio S. Almario (Si Rizal, Nobelista: Ang Pagbasa sa Noli at Fili Bilang Nobela); Ramon Guillermo (Translation and Revolution: A Study of José Rizal’s Guillermo Tell); Javier de Pedro (Rizal Through A Glass Darkly, Romance and Revolution); at ang mahalagang ambag ni Floro C. Quibuyen na A Nation Aborted: Rizal, American Hegemony, and Philippine Nationalism na nagbibigay linaw sa mga nauna nang paratang ng sanaysay ni Renato Constantino na Veneration Without Understanding na nagsasabing si Rizal ay hindi makabansang Pilipino kundi maka-Espanya, na siya ay hindi makarebolusyon at siya ay pinili lamang na bayani ng mga Amerikano. Isa-isa niya itong pinabulaanan.
Sa mga aklat na ito, nananatili si Rizal na huwarang Pilipino at haligi ng bayan.