Alab ng damdamin: Rebyu ng ‘Makamisa’

Prayer handby Ivy Jean Vibar

Nanghinayang ako na hindi natapos ni Jose Rizal ang kanyang ikatlong nobela. Maganda ang konsepto na kanyang naisip, ang magsulat ng aklat na ang pokus ay ang kultura ng mga tao sa isang pamayanang Tagalog. Ang mga nauna kasi niyang aklat ay hindi nakasentro sa iisang pamayanan; mas nakapalibot ang mga ito sa ilang tauhan. Ang Makamisa ay mararamdaman mong mas nalalapit sa karaniwang mamamayan ang pokus; ang mga pangunahing tauhang Pilipino na hindi man lang nakatapak sa labas ng bansa.

Naisip ko rin na sayang at hindi ito naisulat ni Rizal sa Tagalog, kahit ginusto sana niya itong gawin, dahil sa kalikasan ng paksa nito. Isa itong kwentong mas maiintindihan ng pangkaraniwang Pilipino, na madalas hindi nakaiintindi ng wikang Espanyol, kaysa sa mga dayuhan at ibang mga ilustradong nasanay na sa kulturang Europeo.

Ayon nga sa Paunang Salita ng tagasalin, mayroon ngang paniniwala si Jose Rizal tungkol sa kahalagahan ng katutubong wika, na makikita sa kanyang mga akda. Sabi rin dito na nasanay na masyado si Jose Rizal sa pagsulat sa wikang Espanyol kaya nahirapan siyang isulat ito sa wikang Tagalog. Isa itong dahilan na madaling paniwalaan, dahil nararanasan ko rin ang penomenong ito. Madalas, wikang Ingles ang ginagamit ko sa pagsulat, at kapag wikang Tagalog na ang aking gagamitin, nahihirapan na akong ilagay sa tamang pag-iisip ang utak ko.

May nagsabi sa akin dati na nakaiiba talaga ng pag-iisip ang paggamit ng partikular na wika dahil maraming aspeto ng isang kultura ang nakakabit na sa wikang ginagamit nito. Nabanggit ang saloobin ni Rizal tungkol dito sa Paunang Salita ng libro na salin ni Dr. Nilo Ocampo (Etikang Tagalog), na kaya nga ginagamit ito ng mga dayuhan ay upang padaliin ang kanilang pananakop sa bansa. Kung magsulat ka nga naman ngayon ng kwento tungkol sa mga batang kalye sa wikang Ingles, naiiba ang dating ng mga tauhan kaysa kapag katutubong wika ang ginamit. Minsan, nagmumukhang masyadong maraming napag-aralan ang isang bata dahil sa pagkaintelektwal ng kanyang sinasalita. Minsan rin ay hindi talaga nakukuha ng wikang dayuhan ang ibang konseptong nakaangkla na sa kulturang Pilipino. Mayroon bang katumbas ang mga konseptong “hiya” o “utang na loob” sa Ingles? Hindi ba, iba naman ang “shame” at “owing” sa pagkakaintindi natin sa mga bagay na ito?

Dahil naisulat ni Rizal ang kanyang di-tapos na aklat na ito sa wikang Espanyol, ang unang-unang maiisip ng mambabasa ay siguro, hindi ganap ang pagmamahal niya sa kanyang katutubong kultura. Sa tingin ko ay hindi ito tama dahil sa nauna nang nabanggit na dahilan. Isa pa, kapag babasahin ang nilalaman ng kanyang akda, sa kabila ng masamang ugali na ipinakita nina Kapitan Panchong at Kapitana Barang, hindi ito sumasalamin sa kaugalian ng lahat ng mga Pilipino. Nakaugat pa rin ang mga katangiang ito sa impluwensya ng kolonyalista, lalo na sa maling asimilasyon ng mga iba’t ibang aspetong kultural at panrelihiyon ng mga dayuhan. Ngunit hindi lang paninisi sa mga pari ang nilalaman ng akda; makikita rin ang paghamon sa mga Pilipinong kwestyunin ang kani-kanilang kalagayan.

Ang naisip kong layunin ni Rizal sa akdang ito ay ang idiin kung gaano kalala ang naging epekto ng mga dayuhan, lalo na ng praylokrasya sa kulturang Pilipino, at suriin ito mula sa pinakamababang antas—mula sa pananaw ng mga Pilipino sa maliliit na pamayanan; mga Pilipinong ang tanging alam na paraan ng pamumuhay ay ang nakasanayan na nila sa kani-kanilang mga barangay.

Makikita rin sa akdang ito ang matinding pag-ibig ni Rizal sa tinubuang lupa; kahit minsang hindi maganda ang pagsasalarawan niya sa mga tauhang Pilipino ay makikita pa rin ang pagnanais niyang magkaroon ng pagbabago at ang magandang katauhan ng ibang tauhan na madalas minamaliit ng mga “kontrabida.”
Gusto niyang maging maayos ang bayan, at gusto niyang malaman ng mga Pilipino ang kanilang kahalagahan bilang tao. Ipinapakita niya ang problema ng mga mamamayan ng Pili at ipinapahiwatig niyang upang malutas ang mga ito ay dapat malaman ng mga tao ang epekto sa kanila ng simbahan. Ipinapakita niya sa Makamisa ang tunggalian para sa kapangyarihan sa karamihan sa mga pamayanan sa Pilipinas.

Madalas, ang kapangyarihan ay nakasentro lamang sa mga institusyong pansimbahan, na naging resulta ng pag-ikot ng buhay sa pueblo sa kapangyarihan nito. Naging malinaw kung bakit nasabi ni Rizal na dalawa lamang ang tauhang dayuhan sa kanyang kwento, dahil madalas ganoon nga ang sitwasyon sa mga maliit na pamayanan, sang-ayon na rin sa mga sulatin sa kasaysayan. Patuloy na lumakas ang kapangyarihan ng simbahan sa mga tao dahil na rin sa mga madalas na nakikitang pari, na simbolo ng kapangyarihan ng pamahalaan. Hindi nila kilala ang Gobernador-Heneral, ngunit kilala nila ang Kura Paroko.

Ang mga tauhan sa pinaplanong ikatlong aklat ni Rizal ay pawang mga karaniwang Pilipinong matatagpuan sa kahit saang pamayanan noong panahon ng pagkakasulat dito ni Rizal. Gayunman, karaniwan pa ring makikita ang mga tauhang ito sa kasalukuyan. Hanggang ngayon ay mayroon pang mga Kapitan Panchong, Kapitana Barang, Cecilia, Anday, at Padre Agaton. Lahat sila ay mayroong kanya-kanyang lugar sa pamayanan at lahat sila ay nakakaapekto sa pagtakbo ng buhay ng kapwa nila Pilipino.

Kumpara sa Noli at Fili, mas nailarawan dito ang epekto ng labis na kapangyarihan ng simbahan sa mismong takbo ng buhay ng mga tao. Ipinakita ang kapit ng simbahan sa lahat ng bagay, at kung gaano kabulok ang mga prinsipyo ng Katolisismo sa Pilipinas, na dulot ng paggamit dito ng mga kolonyalista sa pagsakop ng bansa.

Makikita ang respeto ni Rizal sa tunay na ideolohiya ng relihiyon, dahil ang pinupuna niya sa kanyang kwento ay ang mga nangyayaring kamalian sa pagpapatupad nito sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao. Hindi niya sinasabing huwag dapat maniwala ang mga Pilipino sa Katolisismo; ipinahihiwatig niyang huwag dapat magpaalipin sa maling pagkakaintindi sa mga prinsipyo nito. Ang relihiyon ay dapat makatulong sa mga taong naniniwala dito; hindi ito dapat maging dahilan pa ng kahirapan. Batay dito, masasabing mali nga ang paratang ng mga prayle sa kanya bilang erehe. Wala naman siyang sinasabi laban sa Katoliko. Hindi pagiging erehe ang paglalarawan sa katiwalian ng isang (o dalawang—o tatlong) taong tumatayo sa unahan ng altar kapag oras ng misa, at nakikita ng mga tao bilang sagot sa lahat ng kanilang pagdadalamhati.

Sa aklat na ito, parang hindi na paghingi ng pagbabago mula sa pamahalaan ang dapat gawin ng mga tao. Maaaring rebolusyon na nga talaga ang dapat mangyari, rebolusyon laban sa simbahan, dahil mahirap baguhin ang isang institusyong pinaghaharian ng mga dayuhan, na siya ring naghahari-harian sa lipunan, sarado sa puna ng iba, lalo na sa puna ng mga indiong iniisip bilang nakakababang-uri. Hindi lang rin sa sekular na aspeto ang kapangyarihan ng simbahan, pati ang spiritwal na kondisyon ng mga tao ay nakapailalim rito. Ito ang pangunahing dahilan sa pananatiling makaluma ng pag-iisip ng ordinaryong Pilipino, hindi man ang ang gobyerno mismo, dahil kahit ang gobyerno ay nangangailangan pa ng pagsang-ayon ng simbahan.

Sayang talaga at hindi natapos isulat ni Jose Rizal ang aklat niyang ito. Sa aking opinyon, kung naisulat niya ito ng buo, at sa wikang Tagalog, mas makakatulong ito sa proseso ng pagpukaw ng damdamin ng mga Pilipino. Mas malapit kasi sa ordinaryong Pilipino ang mga pangyayari sa kwentong ito; ang mga tauhan ay maaaring maisip na makakasalubong mo lang habang namamalengke ka o naglalakad sa may simbahan. Ang Noli at Fili kasi ay may maaaring ituring na kathang-isip lamang, kahit ang mga inilalarawan ditong mga pangyayari ay maaari namang mangyari sa tunay na buhay. Si Ibarra ay maituturing na bida sa isang nobelang kathang-isip, dahil may nagawa siyang hindi naman maaaring magawa ng kahit sino lang. Ang mga tauhan sa Makamisa ay hindi ganoon; mas malapit sila sa karanasan ng ordinaryong Pilipino.

Kung ang Noli at Fili ay mga epiko, ang Makamisa ay kwentong-bayan. Pero ano ba ang mas alam ng mga tao, kahit ng mga batang may murang edad? Mas kilala pa at pinauulit-ulit ang mga kwentong bayan kaysa sa mga epiko. Mas maraming karaniwang tao ang nakakaalam sa mga kwentong bayan. Hindi naman lahat ng tao kilala sina Agyu sa Ulahingan. Kung natapos siguro ang Makamisa, baka mas kilala pa ito ng karaniwang tao kaysa sa Noli at Fili. Parang tsismis kumpara sa World News, mas inuulit-ulit at kinaaaliwan ng madla dahil malapit sa pang-araw-araw na buhay ng karaniwang tao.

 

Image: Attribution Some rights reserved by Katie Tegtmeyer.

One Response

  1. salamat sa sumulat ng artikulong ito at kahit paano ay binigyan niya ng mukha ang Makamisa ni Rizal. Sayang nga talaga at hindi ito natapos ni rizal.